
Sa pagdami ng mga gadgets tulad nalang ng kompyuter, tablet, smartphone, laptop, at marami pang iba ay nadami narin ang na-eenganyong gumamit ng mga ito. Kung susuriin ay mas madalas na itong ginagamit ng mga kabataan, lalo na sa kanilang mga aralin sa iba’t ibang asignatura. Nabubuhay tayo sa modernong panahon. Mapapansin na mas ginagamit ng mga kabataan ang smartphones kaysa mga aklat at mas pinupuntahan ang mga kompyuter shops kaysa silid aklatan. Ilan lamang ito sa mga patunay na higit na ginagamit ng mga kabataan (lalo na ng mga mag-aaral) ang teknolohiyang nasakop sa atin, partikular na ay ang internet.
Bago tayo magtungo sa ilan sa mga akademikong tulong o pakinabang ng paggamit ng internet sa pag-aaral ng mga mag- aaral sa kasalukuyan ay alamin muna natin kung ano ang kahulugan ng internet.
Ano nga ba ang internet?
Ang internet, galing sa dalawang salitang inter at networking, ay isang malawak na systema na nagbibigay access sa mga impormasyon, at kung may pahintulot, ay maaari rin kumuha ng mga impormasyong kakailanganin.
Dahil ito ay isang malawak na systema, makakakuha ka ng impormasyon hindi lamang sa silid aklatan matatagpuan kundi sa iba’t ibang lugar at bansa pa. Sa isang pindot mo lamang ay maari ka nang makahanap at makapagbasa ng mga iba’t ibang artikulo o tala mula sa iba’t ibang tao. Hindi ka na mangangailangang bumili ng mamamahaling libro o kaya naman ay magbitbit ng mabibigat na aklat. Kung may malakas kang sagap ng internet connection ay hindi ka na mahihirapan maghanap ng mga iba’t ibang impormasyon. Nakakatipid ito sa oras dahil hindi mo na kailangang magpabalik- balik sa kung saan man para makakuha nang kinakailangang impormasyon.

Sa pag usbong ng teknolohiya ay nalago rin ang mga features nito na mas nagpapadali ng buhay ng mga estudyante katulad na lamang ng Integrated Virtual Learning Environment, kahit walang guro ay siguradong may matututunan parin ang mga mag-aaral. Kahit nasa bahay o kahit saan mang lugar ay maari parin mapausbong ang kanilang kaalaman. Naging malaking tulong ito sa mga mag- aaral upang hindi sila mapuyat at upang hindi na nila kinakailangang gumising at magpunta sa paaralan ng maaga. Makakahanap rin tayo ng mga quiz o test sa internet na makakatulong mahasa ang ating abilidad sa pagsagot at nasusuri rin nito ang kapasidad ng ating utak na sagutin ang mga tanong na ibinigay. Napapalalim ang ating kaalaman sa tulong ng mga ito sapagkat nakakakalap tayo ng bagong impormasyon na wala sa aklat na ginagamit.
Napakalaki na ng tulong at gampanin ng internet sa pagpapalawig ng ating kaalaman. Makakahanap tayo ng mga gabay dito kung mayroon tayong hindi maunawaang mga aralin. Makakatulong ito upang makakuha tayo ng inspirasyon sa mga nakikita natin online.
Bukod dito maari rin gamitin ang internet bilang daluyan ng komunikasyon sa pagitan ng dalawang tao o higit pa. Sa tulong ng komunikasyon ay maaari kang makapagtanong sa iyong mga kaklase tungkol sa partikular na asignatura na nahihirapan ka intindihan. Maari kang humingi ng tulong at makapagtanong ng iba pang mga takdang aralin. Pwede rin na magpatulong sa mga guro ang kaniyang mga estudyante sa pamamagitan nito.
Hindi maipagkakaila na mula noon hanggang ngayon ay nagkaroon na ng malaki parte ang teknolohiya sa ating buhay. Ang simpleng gawain ay mas napapadali at napabilis sa tulong ng teknolohiyang ito.
Sa paggamit ng teknolohiyang ipinagkaloob sa atin, ang tangi lamang hiling at paalala ay sa paglawak ng nasasakupan ng internet na pwedeng gamitin ay wag natin aabusuhin ang ibinigay sa atin pagkakataon para hindi lamang tayo ang makaranas nito kundi pati narin ang sunod pang henerasyon. Dapat ay matuto tayong magdisiplina sa ating sarili at maging responsible sa bawat gawain na ating gagawin.
